3 suspek sa holdap tiklo
LEGAZPI CITY, Philippines — Tatlong kalalakihan na sinasabing suspek sa serye ng holdapan ang naaresto ng pulisya makaraang makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng baril at bala sa inilatag na checkpoint sa Barangay Cogon sa bayan ng Juban, Sorsogon kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Salvador Maonay Jr. ng Brgy. Cabungahan, Balatan, Camarines Sur; Jomar Raguin ng Brgy. Del Rosario, Ocampo, Camarines Sur at si Arcangel Opena ng Brgy. Nawonton, Ligao City. Ang tatlo na lulan ng Tamaraw FX (WKE 522) na pag-aari ng isang Gerry Balagot ng Pioneer St. Goodyear Park, Alianza Uno Las Piñas City ay nakumpiskahan ng 1 cal. 45 Colt, 1 KG 99, 3 cal 9mm, at isang M79 grenade launcher, 12 pirasong granada at mga bala. Ed Casulla
Pumalag sa magnanakaw, dinedo
MANILA, Philippines - Isang 50-anyos na lola na sinasabing pumalag sa magnanakaw ang iniulat na pinagsasaksak at napatay kamakalawa sa Barangay Ilocanos Sur, San Fernando City, La union. Nakilala ang biktima na si Angelina Cariaga, kung saan pinasok ang kanyang tahanan ng di-pa kilalang lalaki sa pamamagitan ng pagwasak ng bintanang salamin. Gayon pa man, namataan ng biktima ang kawatan kaya nanlaban ito kaya naganap ang krimen. Nakahingi pa ng saklolo ang biktima sa ilang kapitbahay at maitakbo sa Bethany Hospital subalit namatay rin habang ginagamot. Ricky Tulipat
44 katao sugatan sa sakuna
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa apatnaput-apat ang iniulat na nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang pampasaherong mini bus sa Barangay Tampalon sa Kabankalan City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi. Ayon kay P/Chief Insp. Rico Santotome Jr., spokesman ng Negros Occidental Police Office, namiskalkula ng driver na si Leo Dizon ang pag-akyat sa matarik na highway sa bahagi ng bulubunduking lugar. Bunga nito ay dumausdos at nahulog sa bangin ang mini bus na ikinasugat ng 44 katao kabilang ang driver kung saan naisugod naman sa Kabankalan City District Hospital at Gumersendo Garcia Hospital. Sa tala ng pulisya, ang insidente ay ika-42 na sakuna sa loob ng 5-nakalipas na buwan sa kabuuang nairekord na 600 road mishap. Joy Cantos
- Latest
- Trending