Pulis nagbaril sa sentido
BATANGAS, Philippines – Nananatiling palaisipan sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang pulis na natagpuan sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Insp. Gaudencio Aguilera, ang biktimang si PO3 Dennis Hernandez, 36, naka-assign sa San Sabastian police community precinct sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Hernandez sa loob ng kuwarto ng kanilang ancestral house sa Barangay Poblacion 2 bandang alas-8:45 ng gabi.
Hawak pa ni Hernandez sa kanang kamay ang baril habang may tama sa kanyang kanang sintido na tumagos naman ang bala sa kaliwang bahagi ng ulo.
“ Base sa mga ebidensya na aming nakalap, malaki ang posibilidad na suicide ang nangyari, pero patuloy pa rin ang imbestigasyon namin kung may makikita kaming foul play,” dagdag pa ni Aguilera.
Napag-alamang hindi na nag-report sa duty si Hernandez noong Biyernes ng umaga na nagbunsod para hanapin ng kanyang asawa at mga kapatid hanggang matagpuang patay sa bahay ng kanilang mga magulang.
Bago naganap ang insidente, napansin na ng kanyang mga kaanak na depressed at nagpapakita ng mga abnormal na galaw ang biktima. - Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending