Convoy binomba
MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan si dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan habang napatay ang isa nitong kasamahan at tatlo ang lubhang nasugatan matapos na pasabugin ang kalsadang dadaanan patungo sa kanyang farm sa isang liblib na lugar sa Cotabato City.
Patay agad ang trabahador ni Ampatuan na si Tony Bangkuran dahil sa matinding tama ng mga shrapnels sa kanyang katawan habang sugatan ang tatlo pa nitong kasamahan.
Ayon sa provincial administrator ng Maguindanao na si Engineer Norie Unas, patungo si Ampatuan sa kanyang farm sa Barangay Bagung mula sa kanyang bahay sa Shariff Aguak lulan ng kanyang kotse nang sumabog ang isa sa mga bombang nakakalat sa kalsada.
Kasunod noon ni Ampatuan ang convoy o apat na pick-up truck na sinasakyan ng kanyang mga trabahador.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang bombang ginamit laban kay Ampatuan ay tulad ng mga bombang ginagamit ng mga eksperto ng Moro Islamic Liberation Front at ginagamit lang ito kung ang pasasabugin ng huli ay mga pampublikong lugar gaya ng bus terminals.
Nabatid na hindi ito ang unang pag-atake laban kay Ampatuan. Una siyang tinambangan ng MILF noong Disyembre 23, 2003 kung saan namatay ang anak na si Datu Saudi at 18 -tauhan nito ng taniman ng bomba ang sinasakyang multi-cab sa nabanggit ding lugar.
Pinabulaanan ng tagapagsalita ng MILF na si Eid Kabalu na sila ang may kagagawan ng pagpapasabog.
Posibleng itinanim ang mga bomba kamakalawa ng gabi o kahapon ng madaling araw at pinasabog sa pamamagitan ng mobile phone.
Ang mga bomba ay pawang gawa sa mga bala ng 81mm na, ayon sa militar ay ‘signature bomb’ ng MILF. (May ulat ni Malu Manar)
- Latest
- Trending