Convoy ni Sulu Governor Tan pinasabugan

MANILA, Philippines - Anim-katao kabilang ang isang alkalde at mga escort ni Sulu Governor Abdusakur Tan ang nasugatan maka­raang sumabog ang bomba na itinanim malapit sa convoy nito sa kapitolyo ng Jolo, Sulu kahapon ng tanghali.

Sinabi ni Fadzlur Raman Abdullah, spokesman ng Sulu Provincial Office, na naganap ang pagsabog sa harap mismo ng Provincial Hall, may ilang metro ang layo sa nakaparadang convoy ng opisyal.

Napag-alamang hinihin­tay na lamang ng mga security escorts si Gov. Tan na papauwi na sana para ma­nang­halian nang suma­bog ang isang motorsiklo na sinasabing tinaniman ng bomba.

Kinilala ang isa sa mga sugatan na si Mayor Hatta Berto ng munisipyo ng Pan­dami, Sulu.

Sa pahayag naman ni P/Senior Supt. Bayani Gucela, spokesman ng Western Mindanao-Directorate for Integrated Police Operations, na 5-pulis na security escorts ni Tan ang nasu­ga­tan sa insidente.

Ayon naman kay Sonny Abing III, officer in charge ng Provincial Information Office ng Sulu, nagtamo ng maliit na sugat sa  kanang mukha si Tan subali’t ligtas na ito.

Ayon kay Gucela sa ka­salukuyan ay nasa ligtas ng ka­ lagayan ang mga nasuga­tang security escort ni Tan ga­yundin ang nasugatang al­kalde.

Sinabi ni Gucela na hindi pa matiyak kung anong gru­po ang responsable sa pag­papasabog na patuloy na sinisiyasat ng pulisya.

Kasalukuyan pa rin nasa state of emergency ang Sulu simula noong Marso 2009 dahil sa hostage crisis na ki­na­sangkutan ng mga mi­yem­bro ng International Committee of the Red Cross.

Bukod sa Abu Sayyaf Group na may hawak pa rin sa nalalabing bihag na si Italian Eugenio Vagni ng ICRC, kumikilos din sa Sulu ang iba pang armadong grupo tulad ng Moro National Liberation Front at iba pang kidnap-for-ransom gang. Joy Cantos

Show comments