BACOLOD CITY, Philippines – Tatlo-katao ang iniulat na minasaker ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan sa loob ng kanilang bahay noong Lunes ng gabi sa Kabankalan City, southern Negros habang dalawa naman ang nasawi kabilang na ang precinct commander sa naganap na karahasan sa bayan ng Hinobaan sa Negros Occidental.
Kabilang sa mga biktimang pinagtataga hanggang sa mapatay ay sina Elmer La mera, 20; ang kanyang half-brother na si Crispino Florendo Jr., 15 at si Christine, 10, pawang naninirahan sa Brgy. Tampalon, Kabankalan City.
Samantala, nagbuwis ng buhay ang isang police precinct commander habang napaslang naman ang nag-amok na lalaki na ikinasugat din ng tatlo-katao sa Brgy. Culipapa sa bayan ng Hinobaan, Negros Occidental noong Martes ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Insp. Rico Santotome Jr., spokesman ng Negros Occidental Provincial Police Office, ang nasawing pulis na si SPO1 Joel Mante, police precinct commander ng Hinobaan PNP.
Si Mante ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo matapos maagaw ang kanyang M16 rifle nang nag-amok na si Remus Singson.
Napatay naman si Singson matapos na mabaril ni PO2 Roger Ian Embarque na nagresponde sa insidente.
Nabatid na nagresponde ang grupo ni Mante kasama sina PO2 Marlon Catubig, PO1 Ian Roger Embarque, at dalawang brgy. tanod sa pananaga ng suspek kay Henry Bernales.
Gayon pa man, papasok pa lamang ang pulisya sa nasabing lugar nang agawin ng suspek ang M16 assault rifle ni Mante at iputok mismo sa kanya.
Nasugatan rin sa amok ang dalawang bata na sina Marimar Claro, at Maricel Claro. - Antonieta Lopez at Joy Cantos