BATAAN, Philippines – Dalawang sibilyan ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos na sumalpok sa waiting shed ang kanilang motorsiklo kamakalawa ng madaling-araw sa Roman Superhighway sa Brgy. San Pablo, Dinalupihan, Bataan.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Dennis Asuncion y Mercaida ng Purok 2, Brgy. Pinulot; at Jinky Sunga y Galves, 20, ng Brgy. Sta. Lucia sa bayan ng Masantol, Pampanga.
Inoobserbahan naman sa Payumo Memorial Hospital ang isa pang biktima na nakilala lamang sa alyas Honelyn.
Napag-alamang patungo sa direksyon ng Maynila mula sa Olongapo City ang motorsiklo (ZS 5106) ng mga biktima nang sumemplang at sumalpok sa waiting shed bandang alas-3 ng madaling-araw. (Jonie Capalaran)