RIZAL, Philippines – May posibilidad na dumanak ng dugo sa bayan ng Rodriguez, Rizal kapag hindi isinailalim sa PNP dahil sa kaguluhang naganap kahapon ng umaga sa flag-raising ceremony kung saan muntikang magbarilan ang kampo ng suspendidong Mayor Pedro Cuerpo at acting Mayor Jonas Cruz.
Dalawa sa alalay nina Mayor Cuerpo at Vice Mayor Cruz ang inaresto ng pulisya matapos na magsuntukan at magkatutukan ng baril sa gitna mismo ng flag-raising ceremony sa tapat ng munisipyo ng Rodriguez.
Kapwa dinisarmahan at pormal na kakasuhan ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, ang dalawa na sina Randy Taram sa grupo ni Cuerpo at Ricardo Amata na tauhan naman ni Cruz.
Base sa police report, nag-aagawan sa mikropono sina Cuerpo at Cruz upang magtalumpati nang sumiklab ang tensyon kung saan sinuntok ni Amata ang isa sa kasamahan ni Cuerpo kaya nagbunot ng baril si Taram at tutukan ang kampo ni Cruz.
Dito na pumagitna ang pulisya na nakatalaga sa munisipyo at pinulong naman ni Dordas ang magkabilang panig at ipinag-utos na rin ni Dordas ang gun ban sa bisinidad ng munisipyo.
“Igigiit namin ang aming police powers para pumasok at magpanatili ng peace and order kung kapwa mabibigo ang magkabilang panig na disiplinahin ang kanilang mga tagasunod,” pahayag pa ni Dordas.
Matatandaan na una nang sinuspinde ng Sandiganbayan si Mayor Cuerpo ng 90-araw dahil sa kinakaharap na kasong iligal na pagpapa-demolish ng mga kabahayan kung saan itinalaga ng Department of the Interior and Local Government si Cruz bilang acting mayor.
Sinabi naman ni Cuerpo na nagpalabas na ng utos ang Malacañang na ibitin ang pagpapatupad ng suspension order na hindi naman kinikilala ng kampo ni Cruz. (Danilo Garcia)