Sulu encounter: 20 Abu tumba
MANILA, Philippines – Matapos mapatay ang apat na pulis kabilang na ang Sulu police director na si P/Senior Supt. Julasirim Kasim at utol nitong lalaki, gumanti naman ang tropa ng militar at pulisya kung saan aabot sa 20 bandidong Abu Sayyaf ang nasawi habang aabot naman sa sampung iba pa ang grabeng nasugatan sa umaatikabong sagupaan kamakalawa sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Bayani Gucela, spokesman ng Western Mindanao-Directorate for Integrated Police Operations, bagaman napatay sa bakbakan si Kasim, at tatlong iba pa umiskor ang grupo ng nasabing police official.
“Based on our human intelligence, a total of 20 Abu Sayyaf was killed in the operations and at least ten seriously injured as we are bent to rescue the remaining Italian hostage Eugenio Vagni,” dagdag pa ni Gucela.
Kinumpirma rin ni Gucela na maliban sa napatay na lider ng Abu Sayyaf na si Sahibul Dahim ay namataan din sa encounter site si Gafur Jumdail, pamangkin ni Abu Jum dail alyas Doc Abu Pula, isa sa mga wanted na bandido na sinasabing may hawak ngayon sa Italyanong si Vagni.
Base sa tala ng pulisya, na nagtungo sa nabanggit na lugar ang grupo ni Kasim matapos makatanggap ng ulat na itinatago ng pangkat ni Doc Abu Pula ang Italyanong bihag.
Gayon pa man, papasok pa lamang sa bisinidad ng Brgy. Bulabog sa bayan ng Maimbung, ang grupo ni Kasim nang tambangan ng mga bandido na nauwi sa madugong bakbakan.
Napatay si P/Senior Supt. Kasim, security escorts nitong sina SPO3 Asbi Jammahari, SPO3 Abdulwahid Abdurajon at kapatid nitong si Rosalin Kasim na sakay ng police vehicle.
Base sa ulat ng opisyal, ang pagkakatuklas sa pagkakapatay sa may 20 bandido ay bunsod na rin ng follow-up operation ng militar at pulisya sa pagkamatay ni Supt. Kasim.
Samantala, puspusan rin ang negosasyon para sa pagpapalaya kay Vagni at nagdagdag pa ng negosyador si Sulu Governor Abdusakur Tan para makipag-ugnayan sa mga kidnaper. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending