MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang staff at tumatayong katiwala ni 1st District Congressman Antonio del Rosario ng Capiz makaraang ratratin ng ’di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Roxas City, kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Roxas Memorial Provincial Hospital ang biktimang si Arturo “Art” Cruz na naging hepe ng Capiz National Red Cross at kasalukuyang staff ng nasabing solon sa 1st District ng Capiz.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-10:30 kamakawa ng gabi sa waiting shed sa Arnaldo Blvd.
Sa ulat ni P/Supt. Leo Batiles, hepe ng Roxas City PNP, lumabas sa kanilang imbestigasyon nagmomotorsiklo ang biktima mula sa Barangay Baybay nang abutan ng ulan.
Gayon pa man, dahil sa lakas ng buhos ng ulan ay sumilong muna ang biktima sa waiting shed hanggang sa umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Namataan naman ng ilang motorista ang biktima na nakahandusay sa kalsada na may 10 metro ang layo sa waiting shed at motorsiklo nito na inakala nilang sumemplang kaya kaagad na isinugod sa nasabing ospital.
Dito na nadiskubre ng mga doctor na may tama ng bala ng baril ang biktima kung saan posibleng nakipagbuno pa ito sa gunman bago mapatay.
Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong simpleng kaso ng panghoholdap lamang. Joy Cantos at Verna Belarmino