Ambus: Sulu police director, 3 pa todas

MANILA, Philippines – Apat-katao ang kumpir­madong napatay kabilang ang provincial police director ng Sulu habang apat iba pa ang nasugatan ma­karaang tambangan ng mga bandidong Abu Say­yaf  sa pagitan ng Brgy. Ku­lasi at Brgy. Bulabog sa bayan ng Maimbung, Sulu kahapon.

Sa ulat ng regional police ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Bensali Jabarani kabilang sa napatay ay si Sulu police director Senior Supt. Julasirim Kasim, SPO3 Asbi Jammahari, SPO3 Abdurajon at si Ro­salino Kasim, kapatid ni P/Senior Supt. Kasim.

Ayon sa mga opisyal ng Joint Task Force Comet, nalagasan rin ng apat na ban­dido ang grupo ng Abu Sayyaf  habang marami pa ang nasugatan matapos magdepensa ang mga elemento ng pulisya na kasamahan ni Senior Supt. Kasim.

Napag-alamang pabalik na sa kapitolyo ng Jolo, Sulu ang grupo ni Kasim nang maganap ang pana­nambang bandang alas-2 ng hapon.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng hepe ng AFP- West­ern Mindanao Command na si Lt. Gen. Nelson Allaga, ang malawakang hot pursuit operations laban sa grupo ng mga bandido na responsable sa pananambang. 

Sa tala ng AFP, ang ba­yan ng Maimbung at mga kanugnog nitong lugar ay pinamumugaran ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad at Abu Jum­dail alyas Doc Abu Pula  habang sa bahagi naman ng Patikul ay si Sayyaf Commander Radulan Sa­hiron.

Magugunita na ang tat­long ICRC member na sina Vagni, Swiss national An­dreas Notter at Pinay Engineer Mary Jean Lacaba ay binihag ng mga bandido noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.

Pinalaya ng mga kidnaper si Lacaba noong Abril 2 habang sumunod naman si Notter noong Abril 18  sa magkakahi­wa­lay na lugar sa bayan ng Indanan, Sulu.  Patuloy naman ang search and rescue operations upang iligtas si Vagni. Joy Cantos


Show comments