Ambus: Sulu police director, 3 pa todas
MANILA, Philippines – Apat-katao ang kumpirmadong napatay kabilang ang provincial police director ng Sulu habang apat iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf sa pagitan ng Brgy. Kulasi at Brgy. Bulabog sa bayan ng Maimbung, Sulu kahapon.
Sa ulat ng regional police ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Bensali Jabarani kabilang sa napatay ay si Sulu police director Senior Supt. Julasirim Kasim, SPO3 Asbi Jammahari, SPO3 Abdurajon at si Rosalino Kasim, kapatid ni P/Senior Supt. Kasim.
Ayon sa mga opisyal ng Joint Task Force Comet, nalagasan rin ng apat na bandido ang grupo ng Abu Sayyaf habang marami pa ang nasugatan matapos magdepensa ang mga elemento ng pulisya na kasamahan ni Senior Supt. Kasim.
Napag-alamang pabalik na sa kapitolyo ng Jolo, Sulu ang grupo ni Kasim nang maganap ang pananambang bandang alas-2 ng hapon.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng hepe ng AFP- Western Mindanao Command na si Lt. Gen. Nelson Allaga, ang malawakang hot pursuit operations laban sa grupo ng mga bandido na responsable sa pananambang.
Sa tala ng AFP, ang bayan ng Maimbung at mga kanugnog nitong lugar ay pinamumugaran ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad at Abu Jumdail alyas Doc Abu Pula habang sa bahagi naman ng Patikul ay si Sayyaf Commander Radulan Sahiron.
Magugunita na ang tatlong ICRC member na sina Vagni, Swiss national Andreas Notter at Pinay Engineer Mary Jean Lacaba ay binihag ng mga bandido noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.
Pinalaya ng mga kidnaper si Lacaba noong Abril 2 habang sumunod naman si Notter noong Abril 18 sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Indanan, Sulu. Patuloy naman ang search and rescue operations upang iligtas si Vagni. Joy Cantos
- Latest
- Trending