BACOLOD CITY, Philippines – Hinikayat ng pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang mga kabataan sa Negros na labanan ang patuloy na paglaganap ng droga sa bansa.
Sinabi ni PAGCOR Chairman Efaim Genuino na kailangang masawata ang paglaganap ng droga dahil sinisira nito ang buhay ng mga magiging lider ng bansa sa hinaharap.
Pinuna niya na, mula sa 3.4 milyon noong 1999, umakyat sa 10 milyon ang bilang ng mga durugista ngayong taong ito.
Dahil dito, inilunsad ang bagong programang Batang Iwas Droga ng PAGCOR, Department of Education, Dangerous Drugs Board at BIDA Foundation para mamulat ang mga kabataan sa kapahamakang dulot ng bawal na gamot.