BATANGAS, Philippines – Namatay sa katuwaan ang isang 64-anyos na fan ni Pacman makaraang atakihin sa puso habang nanonood ng boksing nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton kahapon ng umaga sa bayan ng San Pascual, Batangas.
Kinilala ni P/Chief Inspector Rebato Mercado, hepe ang pulisya sa bayan ng San Pascual, ang biktimang si Francisco Lalongisip ng Barangay Ilat South, San Pascual.
Ayon sa police report, masayang nakikipanood si Lalongisip ng telebisyon sa kanyang kapitbahay kasama ang ilang kaibigan nang bigla na lang matumba bandang alas-11:40 ng umaga
“Naglululundag habang pumapalakpak sa katuwaan si kuya nang bigla na lang mawalan ng malay nang mapabagsak ni Pacquiao si Hatton sa 2nd round,” pahayag ni Bernardita na nakababatang kapatid ng biktima.
Napag-alamang pangalawang atake sa puso na ng biktima simula pa noong 2006 at hindi na nga pinagtatrabaho ng kanyang tatlong anak dahil na-stroke.
“ Avid fan ni Manny Pacquiao si kuya, wala ngang pinalalampas na laban ni Pacman ‘yun, lagi n’yang pinanonood kahit makipanood pa siya sa ibang bahay,” dagdag pa ni Bernardita
Isinugod pa si Lalongisip sa Bejasa Hospital sa bayan ng Bauan, Batangas pero idineklara na itong patay pagdating sa emergency room.