PULILAN, Bulacan, Philippines – Apat-katao kabilang ang tatlong Arabong estudyante ang iniulat na nasugatan makaraang bumagsak ang isang pribadong eroplano sa bakanteng lote sa Barangay Tenejero sa bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa.
Naisugod sa Our Lady Of Mercy Hospital at Good Shepherd Hospital ang mga biktimang sina Captain Richard Barredo ng Cavite City, at mga Arabong estudyante na sina Majedsal Bahasan, Khalid Jamal Al Farsoti at si Muhammad Misky na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bandang alas-9:25 ng umaga nang mag-takeoff ang Cessna 172 single engine (RP-C8693) ni Capt. Barredo mula sa Plaridel Airport para turuang magpalipad ng eroplano ang tatlong Arabo.
Subalit ilang minuto pa lamang nasa ere ay bigla na lang nasiraan ang eroplano at unti-unting bumulusok bago sumabit sa punongkahoy at bumagsak sa bakanteng lote na pag-aari ni Rene Sevilla.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang naganap na plane crash. Boy Cruz