Ama nang-hostage ng 3 anak, todas
LEGAZPI CITY, Philippines – Isang ama na sinasabing nawala sa katinuan ang iniulat na nabaril at napatay ng pulisya makaraang tagain nito ang kanyang anak at i-hostage naman ang mag-utol sa loob ng kanilang bahay kamakalawa ng umaga sa Barangay Burabod sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Napilitang barilin at mapatay ng mga rumespondeng pulis si Salvador Lorilla matapos tagain ang kanyang anak na babae na si Sheynn Pearl Lorilla, 4 habang nailigtas naman ang mag-utol na sina Jane Karl Lorilla, 3; at Jyruss Dave Lorilla.
Naisugod naman sa Vicente Peralta Memorial Hospital si Sheynn Pearl matapos magtamo ng sugat sa ulo at leeg.
Napag-alamang nagsimulang mawala sa katinuan ang ama ng mag-uutol bandang alas-10 ng umaga kamakalawa kung saan hinostage ng ama na may hawak na matalim na itak ang kanyang tatlong anak.
Kaagad naman nakipag-negosasyon ang ilang pulis at opisyal ng barangay kay Salvador na nanlilisik ang mga mata para pawalan ang mga bihag subalit pinagtataga ang kanyang anak na si Sheynn.
Maagap naman ang mga pulis kaya nagdesisyong barilin si Salvador para maiwasan ang pagkamatay ng mag-uutol na bata.
Nabatid na nawalan ng malay ang asawa ni Salvador na si Genalyn Lorilla matapos makita na tinaga ang kanyang anak.
Ayon sa pulisya, si Salvador ay naging pasyente sa mental hospital sa bayan ng Pili, Camarines Sur at pinauwi dahil ito ay magaling na. Ed Casulla
- Latest
- Trending