CAVITE, Philippines – Dahil sa malaking halaga ng payola, pinaniniwalaang protektado ng ilang opisyal ng pulisya sa Camp Pantaleon Garcia sa bayan ng Imus at lokal na sangay ng Land Transportation Office (LTO) ang patuloy na modus operandi ng mga kolorum na pampasaherong van sa bayan ng Bacoor, Cavite.
Pangunahing sanhi ng pollution at pagsisikip ng trapik sa Cavite at karatig pook ang operasyon ng libu-libong kolorum van at maging ang mga pasahero ay nalalagay sa kapahamakan dahil sa kawalan ng insurance kapag naaksidente.
Napag-alamang umaabot sa P.1 milyong koleksyon kada araw mula sa mga kolorum na van na may rutang Bacoor patungong Maynila ang ibinibigay sa mga tiwaling opisyal ng pulisya at LTO para maipagpatuloy ang operasyon.
Karamihan sa mga kolorum van na may nakadikit na sticker ng PNP at LTO ay may terminal sa loob at harapan ng Camella Springville Subd. sa Brgy. Molino 4, Bacoor, Cavite.
Ilan din sa mga kolorum ay namumugad sa gilid at likurang bahagi ng Jolibee sa Brgy. Molino 3 sa bisinidad ng Gardenia Valley Subd. maging sa harapan ng SM Molino sa Petron Gas Station at sa Bahayang Pag-asa na sakop naman ng Imus.
Kabilang sa mga kolorum van ay ang mga plakang REC 122, ZMF 325, TMS 258, MMU 560, WRB 983, WHL 467, ZSD 351 at ang RCH 866.