CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Napatay ang isang babaeng opisyal ng pulisya samantalang sugatan naman ang kasamahan nitong pulis makaraang ratratin at holdapin ng mga armadong kala lakihan sa Calamba City, Laguna kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Christopher Laxa, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group Region 4-A, ang biktimang tinamaan sa ulo at dibdib na si P/Senior Insp. Divina Guinauli, finance officer ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) regional police office.
Sugatan naman si PO3 Michael Barnuevo matapos tamaan ng bala sa paa at kasalukuyang nasa Calamba Doctors Hospital.
Napag-alamang nag-withdraw ng P2.2 milyon sa LandBank of the Phils. sina Capt. Guinauli at PO3 Barnuevo nang harangin at ratratin ng motorcycle-riding assasins sa may bahagi ng Barangay Parian, Calamba City bandang alas-4:30 ng hapon
Lulan ang dalawang pulis sa kulay asul na Nissan Sentra (TKG-465) nang tambangan na may ilang metro lang ang layo mula sa nabanggit na banko.
Nabatid na ang malaking halaga na natangay ay pambayad sa clothing allowance ng mga bagong rekrut at non-uniformed personnel kabilang na ang combat pay ng mga pulis sa Mimaropa.
Nakarekober ang mga imbestigador ng walong basyo ng bala ng cal. 9mm pistola mula sa crime scene.
Kabilang sa mga miyembro ng Task Group Devine na binuo para tumutok sa kaso ay ang CIDG, Calamba PNP, Laguna PNP, Scene of the Crime Operatives, Regional Special Operations Group (RSOG) at ang Regional Intelligence Office (RIO). Dagdag ulat nina Ed Amoroso at Joy Cantos