Mag-utol na holdaper tiklo
BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng mag-utol na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan sa mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa hilagang Luzon at Manila makaraang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Nueva Ecija kahapon.
Pormal naman kakasuhan sina Aries Dela Cruz, at Arnel Dela Cruz na kapwa residente sa Brgy. Pulo, San Isidro, Nueva Ecija. Sa police report, naunang naaresto ng pulisya si Aries sa Brgy. Pulo sa nabanggit na bayan, samantalang si Arnel naman ay nasakote sa bisinidad ng Brgy. Sikat sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.
Ayon sa pulisya, huling naging biktima ng grupo ng mag-utol ang ES Transit Bus at AJA Transit Bus noong Abril 19, 2009 kung saan positibo namang silang kinilala ng mga drayber. (Boy Cruz)
- Latest
- Trending