KIDAPAWAN CITY, Philippines – Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang isang opisyal ng Commisson on Elections (Comelec) makaraang barilin sa ulo ng motorcycle-riding assassins sa kahabaan ng Gov. Gutierrez Avenue sa Cotabato City, Cotabato kamakalawa. Kinumpirma ni Joel Celis, poll registrar ng President Roxas, North Cotabato, ang pagbaril kay Libungan election officer Atty. Lyndon Sanada Gutierrez, 42.
Napag-alamang papauwi na ang biktima nang harangin at ratratin ng mga maskaradong kalalakihan.
Si Gutierrez ang ikalawang election officer na binaril sa North Cotabato nitong 2009.
Noong Abril 15, binaril at napatay si Francisco Mecutuan, Jr., election officer ng Tulunan, North Cotabato, habang nagmamaneho ng kanyang multi-cab sa highway ng bayan ng M’lang, North Cotabato.
Sinasabing may kaugnayan sa pulitika sa bayan ng Tulunan, ang isa sa motibo sa pagpatay kay Mecutuan.
Napag-alamang ilang buwan bago siya napaslang, nadiskubre ni Mecutuan na libu-libong flying voter na nagmumula sa kalapit bayan ng Tulunan ang nagpatala sa Comelec.
Nabatid na kinuwestyun ni Mecutuan ang pagpapatala ng mga flying voter na karamihan, ayon sa ulat, ay mga menor-de-edad. (Malu Manar)