Baguio blast: 2 todas, 5 grabe
BAGUIO CITY, Philippines – Unti-unting nabubura sa mapa ng turismo ang Baguio City kung saan dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang limang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng di-pa kilalang lalaki sa mataong lugar sa kahabaan ng Leonard Wood Road sa nabanggit na lungsod kahapon ng madaling-araw.
Sina Vio Joe Mendoza, 22; at Deo Del Mundo, 21, ay namatay habang ginagamot sa Baguio General Hospital and Medical Center, anim na oras matapos silang isugod sa ospital dahil sa tama ng shrapnel mula sa sumabog na granada bandang alas-3:30 ng madaling-araw.
Patuloy namang ginagamot ang mga sugatang sina Rey Anthony Carino, 19; Raul Andrada, 21; Jerome Santos, 22; Mark Dave San Mateo, 23; at si Lyndon Neocina, 23.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na ang mga biktima ay magkakasamang umiinom ng alak sa kilalang Stairs To The World patungong Upper Session Road mula sa Leonard Wood Road nang hagisan ng granada ng isang grupo ng kalalakihang sakay ng pick-up truck.
Ayon naman kay P/Senior Supt. Wilfredo Franco, bago ang insidente ay tumawag sa Community Police Assistance Center 4 (COMPAC 4 ) ng Police Station 7, ang security guard ng isang hotel at ini-report na magulo ang mga biktimang nagbabasag ng bote sa nasabing lugar matapos na mag-inuman ng alak.
Gayon pa man, habang patungo sa lugar ang magrerespondeng pulisya ay umalingawngaw ang malakas na pagsabog.
Base sa inisyal na pagsusuri ng mga tauhan ng Explosives and Ordnance Division, ang sumabog ay isang uri ng MKII-type fragmentation grenade, na katulad nang inihagis sa mga estudyante sa loob ng computer shop noong Nob. 2007 kung saan 12 mag-aaral ang malubhang nasugatan. Sinisilip ng pulisya ang anggulong alitan ng magkalabang grupo na sinasabing namama yagpag ngayon sa nabanggit na lungsod. Dagdag na ulat ni Andy Zapata
- Latest
- Trending