P2.4M napulot isinauli ng sekyu
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Umaabot sa P2.4 milyong halaga na nakalagay sa isang clutch bag ang naibalik ng isang security guard sa may-ari nito matapos makaligtaan sa ibabaw ng mesa sa loob ng SM City Baliuag, Bulacan noong Biyernes.
Kaagad naman binigyan ng komendasyon at pinapurihan ng pamunuan ng SM City si Trinidad Quintana, 27, ng RDC Security Agency dahil sa ipinamalas na katapatan sa trabaho bilang guwardiya.
Nabatid na namataan ni Quintana ang clutch bag sa ibabaw ng mesa sa food court habang siya ay nagsasagawa ng routine round noong Biyernes.
“Binantayan ko lang muna at hindi kinuha agad kasi baka jumingle lang ‘yung may-ari,” paliwanag ni Quintana.
Gayon pa man, makalipas ang ilang minuto na wala pa ang may-ari ay saka tinanong ang mag-asawang nasa katabing mesa kung kanila ang bag.
“Sabi ‘nung mag-asawa sa kabilang mesa hindi kanila, kaya dinala ko na sa office namin para isurender,” pahayag pa ni Quintana.
Ayon sa public relations officer ng SM City Baliuag na si Beverly Cruz, ang nasabing bag ay naglalaman ng 7-tseke na nagkakahalaga ng P2.4 milyon, at P35,000 cash.
Nagpasalamat naman ang may-ari ng clutch bag na si Matias Cruz kay Quintana na hindi nasilaw sa malaking halaga at nanaig pa rin ang katapatan sa trabaho.
“Masaya ang feeling ko dahil nakatulong ako,” pahayag ni Quintana at binanggit din ang turo sa kanya ng mga magulang hinggil sa katapatan.
Si Quintana na tubong Leyte ay pangatlo sa siyam na magkakapatid, at nangangarap maging pulis, subalit bumagsak sa eksaminasyon ng Napolcom noong 2007 kung saan siya nagtapos ng Bachelors of Science in Criminology sa Tacloban-Leyte Colleges noong 2006. (Dino Balabo)
- Latest
- Trending