BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Kung ang simbahang katolika ay mahigpit ang pagtutol sa mga mga binabae na pumasok sa seminaryo, magiging bukas naman ang pamunuan ng pulisya na tanggapin ang mga nasa 3rd sex bilang kanilang kabaro.
Sa pahayag kamakalawa ni P/Chief Supt. Leopoldo Bataoil, hepe ng Directorate for Integrated Police Operations ng Northern Luzon, bukas ang kapulisan na tanggapin ang mga tibo at bading na pumasok sa hanay ng pulisya kung maipapasa lamang nila ang mga kwalipikasyon na hinihingi ng pambansang pulisya.
Sinabi rin ni Bataoil na karapatan ng mga nasa ikatlong uri ng kasarian na mamili ng kanilang papasukin na propesyon kung kaya’t walang dahilan upang pagbawalan ang mga bading o tibo na gustong maging pulis bilang pagkilala na rin sa sinasabing gender equality.
Ipinaliwanag din ni Bataoil na maraming sangay sa pambansang pulisya na maaring ipuwesto ang mga bading o tibo ayon sa kanilang taglay na talento o kakayahan.
Gayon pa man, iginiit din ni Bataoil na wala naman siyang kilala sa mga heneral at iba pang matataas na opisyal ng pulisya sa kasalukuyan na miyembro ng ikatlong pederasyon.
Si Bataoil na dumaan sa lalawigang ito kahapon ay nagtungo sa Cagayan matapos siyang ipadala ni P/Chief PNP Jesus Verzosa upang personal na bisitahin ang lugar kung saan bumagsak ang Chemtrad light aircraft sa Baggao, Cagayan at magsagawa ng imbestigasyon sa pag-ambus kay Dr. Gumersindo Lasam, director ng Department of Agriculture sa Cagayan Valley. Victor Martin