Coed itinanan, 'di kinidnap
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng pulisya na hindi dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf ang isang 19-anyos na dalagang estudyante na napaulat na kinidnap noong Miyerkules sa harapan ng isang snack house sa Jolo, Sulu.
Sinabi ni Sulu Provincial Police Office Chief Sr. Supt. Julasirim Kasim na hindi isang kaso ng kidnapping for ransom ang pagkakadukot sa estudyanteng si Fatima Aming.
Nauna rito, nabulabog ang Sulu sa napaulat na pagdukot ng mga bandido kay Aming na residente ng Brgy. Suwah Suwah, Patikul, Sulu.
Nakatayo sa harapan ng Love Life Snack House sa Brgy. Walled City, Jolo ang biktima na bumibili ng pizza nang dukutin ng armadong suspek.
Ang biktima ay isinakay umano sa motorsiklong walang plaka ng sinasabing kidnapper na si Jainal Salahuddin, residente ng Brgy. Tanjung, Indanan, Sulu.
Pero sinabi ni Kasim na lumitaw sa imbestigasyon na nobyo ni Aming si Salahuddin at nagtanan ang magkasintahan.
Sinabi ni Kasim na, sa imbestigasyon ng Jolo Police, lumitaw na hindi kayang magbigay ng P200,000 dowry ang pamilya ng lalaki sa kaniyang nobya at sa kabila umano ng may namagitan na sa dalawa ay hindi pa rin pumayag ang pamilya ng dalaga sa tawad na P70,000 ng pamilya ng lalake.
Dahil dito, nagpasya ang magkasintahan na magtanan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending