KIDAPAWAN CITY, Philippines – May 14 na preso na may mabibigat na kaso ang nakatakas mula sa kanilang mga selda dahil sa isang babae sa Cotabato City Jail kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni City Jail Warden Insp. Panga Arab ang pumuga na sina Rakman Kanakan, Dalawi Nasser Lading, Kasim Muktar Usman, Haron Salwibo Samad, Tashir Nasser Labing, Umbra Rasul Piang, Jailani Kamad, Limba Agta, Kamaong Datu Ali, Alon Sagpa, Samson Sagpa, Faisal Dumama, Adam Ibrahim, at Datu Ali Dumagto.
Sina Kanakan, Lading, at Usman ay pawang may kasong murder at frustrated murder, ayon kay Arab. Ang ibang pugante ay nahaharap sa kasong ilegal na pagdadala ng armas, pagbebenta ng bawal na gamot at panghoholdap.
Ayon kay Arab, bago ang pagpuga ng may 14 na preso, dumalaw sa bilangguan ang isang hindi kilalang babae.
Sinamantala umano ito ng mga preso. Pagpasok ng babae, sabay labas ng mga preso. Inagaw ng isa sa mga preso ang armas na hawak ng isang jail guard at ginamit na pamukpok sa ulo ng isa pang guwardiya.
“Nadaig kami. Sa sobrang dami nila, hindi kinaya ng mga guwardiya na pigilan pa ang pagpuga ng mga preso,” ayon kay Arab.
Agad na inutos ni Cotabato City Police Director Senior Superintendent Willie Dangane ang malawakang pagtugis sa mga pugante.