ILOILO CITY, Philippines — Isang negosyante na pinaniniwalaang may kasong rape ang iniulat na dinukot ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan noong Huwebes ng gabi sa kahabaan ng highway sa Barangay Odiong sa bayan ng Sibalom, Antique, Iloilo. Ayon sa pulisya, nanatili naman ‘di-nakikipag-ugnayan ang mga kidnaper sa pamilya ng biktimang si James Ardaña.
Base sa police report, lumilitaw na papauwi na ang biktima kasama ang kanyang utol na si June nang hinarang ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sasakyan.
Napag-alamang isinakay ng mga kidnaper ang biktima sa motorsiklo saka iniwan sa gilid ng kalsada ang utol nitong si June na iginapos.
Nagkataon naman dumaan ang isang mediaman at namataan ang utol ng biktima kaya naipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang insidente.
Sa ulat ng regional police director na si P/Chief Supt. Isagani Cuevas, na may mga impormasyon na ang kanyang mga tauhan sa grupo subalit wala pang hinihinging ransom para sa kalayaan ng biktima.
Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong personal na alitan subalit walang kinalaman sa insidente ang kidnap-for-ransom group.
Masusi ring sinisilip ng pulisya ang anggulong kidnap me scenario dahil sa ang biktima ay nahaharap sa kasong rape.
Sa pahayag ni Cuevas, na may mga idea na sila kung saan itinago ang biktima subalit pansamantalang hindi isiniwalat para ‘di- mabulabog ang follow-up operation. Ronilo Ladrido Pamonag