Bata ni-rape, inutas ng adik
PANGASINAN , Philippines – Isa na namang malagim na krimen ang naitala sa police blotter matapos matagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng batang babae na pinaniniwalaang hinalay ng kanyang kamag-anak na lalaki na pinaniniwalaang adik sa droga bago inabandona sa isang poso-negro malapit sa kawayanan sa Barangay Langiran, Bayambang, Pangasinan noong Sabado ng hapon.
May palatandaang sinakal hanggang sa mamamatay ang biktimang si Juliet Ramos, 4, habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jose Ramos na nakipagtulungan pa sa paghahanap sa bata.
Ayon kay PO2 Larry Cayabyab, huling namataang buhay ang biktima na kasama ang suspek bago iniulat na nawala noong Biyernes ng gabi at natagpuan may 100 metro ang layo mula sa tahanan ng pamilya Ramos. Narekober ng pulisya sa crime scene, ang kaliwang tsinelas na pag-aari ng suspek kung saan kinumpirma pa ng asawa nito. (Cesar Ramirez)
- Latest
- Trending