KIDAPAWAN CITY , Philippines – Dalawang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng sindikato ng droga sa Brgy. Dumalangcob, sa Sultan Kudarat, Maguindanao kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina Pablo June Jala at isang alyas Tho na tumatayong confidential agent ng PDEA.
Kabilang naman sa nasugatan ay ang dalawang PDEA-ARMM intelligence officer na sina Brian Balang, Mark Anthony Viray.
Sa inisyal na ulat ni P/Senior Supt. Danilo Bacas, spokesman ng PNP-ARMM, lumilitaw na isisilbi sana ng pinagsanib na elemento ng PDEA at ng Sultan Kudarat PNP ang search warrant laban sa isang big time drug trafficker na si Piad Buaya Abdullah nang maganap ang ratratan kung saan bulagta kaagad ang dalawang PDEA.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay nakipagpalitan ng putok ang mga awtoridad laban sa mga kaalyado ni Buaya hanggang sa mag-atrasan ang mga armadong kalalakihan sa takot na malagasan kung saan rumesponde ang pulisya at tropa ng 37th Infantry Battalon ng Phil. Army. (Malu Manar at Joy Cantos)