Pabrika sumabog: 12 patay
STA. MARIA, Bulacan , Philippines – May 12 manggagawa ng pabrika ng Styropor Corp. sa bayang ito ang nasawi makaraang sumabog ito sanhi ng nag-overheat na isa sa mga makina nito kamakalawa ng gabi.
May pito pang manggagawa ang napaulat na nasugatan.
Sa ulat na ipinadala ni Police Superintendent Marcos Rivero kay Provincial Director Superintendent Allen Bantolo, kinilala ang mga nasawi na sina Rafael Pante 23, Arniel Maniego, 39; Morena Villanueva, 25; Normalyn Oredo, 24; Marjilou Yuzon, 22; Edward Vallejos, 27; Gener Dumot, 24; Armando Broce 26; Eliesa Estuista; Jose Patag; Michelle Agana at Ronalyn Angeles.
Nalapnos ang katawan ng mga biktima dahil sa kumukulong tinutunaw na styrofoam bukod sa nadaganan sila ng mga bumagsak na mga bakal hanggang sa malagutan ng hininga.
Kabilang sa mga sugatan sina Rando Jaime, 24; Jazel Medejito, 19; Joan Camacho; Melanie Gamboa; at Rio Matilla 27. Hindi pa makilala ang dalawa pa sa mga biktima.
Ayon kay Provincial Fire Marshall FSupt. Absalon Zipagan, dakong alas-8:00 ng gabi ng Martes nagsimula ang isang napakalakas na pagsabog sa isang parte ng header ng steam boiler na tumutunaw ng mga styrofoam na nagmomolde ng mga styrofoam na baso na naging sanhi ng pagkawasak ng buong bubungan nito na dumagan sa mga trabahador at maging ang kumukulong styropor na nasa loob ng boiler ang dumapo sa mga katawan ng mga obrero ng naging sanhi ng matinding pagkalapnos ng mga katawan nito.
Sa lakas ng pakakasabog nito ay nadamay din ang dalawa pang gusali ng pabrika na nasa kalapit gusali na iniimbakan ng mga pinatuyong palay na ginagamit sa pagtunaw ng mga styropor habang nawalan din ng kuryente ang buong bisinidad nito.
Nadiskubre naman ni Municipal Fire Marshall FSInsp. Fernando Clemente ng Sta. Maria na expire na ang Fire Safety Inspection Certificate ng Q.C. Styro Corp.na pag-aari ng magkakapatid na Antonio, Alex at William Chua nuon pang Disyembre 2008 habang inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaukulang kaso laban sa mga may-ari nito at sa plant manager nito na si Emmanuel Alcaraz.
Pinaniniwalaan namang marami pa ang na-trap sa loob ng sumabog na nadaganan ng nagkapirapirasong bahagi ng naturang pabrika na may 22 taon na umanong nag-ooperate.
- Latest
- Trending