BAGUIO CITY, Philippines - Nawawala ang presidential chopper kung saan ay lulan ang limang opisyal ng Malacañang kabilang ang 2 piloto makaraang mag-takeoff sa paliparan ng Baguio City kahapon para magsagawa ng ocular inspection sa Benguet. Nabahala kagabi ang lahat ng national at local officials matapos malaman na hindi nakarating sa paliparan ng Benguet ang presidential helicopter matapos umalis ng Loakan Airport kahapon ng alas- 4 ng hapon. Kabilang sa sakay ng presidential helicopter para magsagawa ng ocular inspection sa Benguet sa gaganaping presidential event ay si Press Undersecretary Jose Capadocia. Habang sinusulat ang balitang ito ay walang kontak ang Malacañang at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Benguet sa kalagayan ng presidential plane. Umaaasa na bumaba sa ibang paliparan ang nasabing chopper na walang signal lamang kaya hindi makontak. Rudy Andal
3 dedo sa karahasan
CAVITE, Philippines – Tatlong sibilyan ang iniulat na napatay sa magkahiwalay na karahasang naganap kahapon ng umaga sa bayan ng Silang Cavite. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang si Jaime Belamide, 38, ng Barangay Litlit at ang 88-anyos na si Anastacia Velando ng Brgy. Lucsuhin. Base sa police report, si Belamide ay pinagbabaril ng mga ’di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Brgy. Poblacion 4 kung saan tinamaan ng ligaw na bala ng baril sa ulo ang matandang babae na lulan ng traysikel. Samantala, si Ernesto Satsatin, 54, ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ’di-pa kilalang lalaki habang naglalakad sa bisinidad ng Brgy. Datu Esmael sa bayan ng Dasmariñas, Cavite. Cristina Timbang
Drayber todas sa holdaper
RIZAL, Philippines – Binaril at napatay ang isang drayber ng pribadong sasakyan ng ’di-pa kilalang lalaki sa naganap na holdapan sa bisinidad ng Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, Rizal kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo si Peter Turiano ng NW Ipil Street, Marikina Heights, Marikina City. Hindi naman sinaktan ang pasahero ni Turiano na sina John William Bench, 39, US Navy na nakabase sa Sasebo, Nagasaki, Japan; Maria Agnes Matulac Bench, 44, at mga anak na sina Angelica,16; at Anthony,14. Base sa police report, pasakay na sa inarkilang Toyota Innova (TYH 712) ni Turiano, ang pamilya Bench mula sa isang resort sa Antipolo nang maganap ang insidente. Napag-alamang tinangay ng holdaper ang malaking halaga ng pamilya Bench bago tumakas sakay ng motorsiklo. Danilo Garcia