Bata, inagaw kay kamatayan
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Laking pasasalamat ang ipinaabot ng mag-asawang Myrna at Glenn Fernandez sa mga sundalong Kano na kasapi sa RP-US Balikatan matapos na mailigtas nito ang kanilang anak na nalunod sa swimming kamakalawa ng gabi sa Bitoon Beach Resort Barangay Bagacay sa bayan ng Mobo, Masbate.
Nakilala ang batang babae na si Ma. Fe Ysabelle Fernandez, isang taong gulang at mga bakasyunista sa naturang lalawigan.
Kinilala naman ni LTC. Neneveigh Alcovindas, spokesman ng Joint Task Force Balikatan, ang sundalo ng nagligtas sa bata na si HM3 Christopher Thomas (Medical Corpsman) ng Naval Mobile Construction Battalion 40 na nakabase sa nasabing resort.
Naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi habang ang mag-asawa at ilang kamag-anak nito ay abala sa kuwentuhan sa cottage kung saan hindi napansin ang bata na naglakad patungong swimming pool bago mahulog hanggang sa makita ito ng ilang naliligo.
Mabilis namang sumaklolo si Thomas na doon tumutuloy sa beach dahil malapit sa kanilang ginagawang proyekto na paaralan at water system.
Ginamit ni Thomas ang kaalaman para iligtas ang bata na halos walang buhay at makita ng mga magulang na walang pag-asang mabuhay pa dahil sa pagkalunod.
Gayon pa man, nabuhayan ng loob ang mga magulang ng bata na biglang huminga at sumuka ng tubig habang nilalapatan ng first aid ni Thomas.
Nagsigawan ang mga nakasaksi sa insidente kabilang na ang mga magulang ng bata na nag-iiyak at buhay-na-buhay. Ed Casulla at Joy Cantos
- Latest
- Trending