MANILA, Philippines - Aabot sa 30 sasakyang may red plate na sinasabing ginagamit paglalamyerda ng ilang tauhan ng lokal na pamahalaan ang hinuli ng mga tauhan ng Oplan Red Plate Task Force sa Negros Occidental. Ayon sa ulat ni P/Chief Insp. Rico Santotome Jr. spokesman ng Negros Occidental police office, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang kinauukulan ahensya kung saan nakarehistro ang mga sasakyang na-impound. Sinabi ni Santotome na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng sasakyang may red plate ng mga asawa, anak, kamag-anak at kaibigan ng mga opisyal ng pamahalaan sa tuwing Sabado, Linggo at legal holiday. Maging ang mga kawani ng pamahalaan ay ipinagbabawal ang paggamit ng government vehicle sa kasalan, binyagan at hatid-sundo sa eskuwelahan bilang personal na sasakyan. Ayon pa kay Santotome na mananagot ang sinumang pinuno ng ahensya at ang drayber kapag napatunayang lumabag sa itinakdang batas laban sa paggamit ng government vehicle ng walang kaukulang trip ticket. Sa anumang impormasyon kaugnay sa paglabag sa Oplan Red Plate, tumawag sa (033) 509 2011 o kaya sa 09178898662 habang sa NOPPO Anti-Kotong Hotline (09073106888). The Philppine Star