Buntis hinostage sa loob ng foodchain
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinaniniwalaang naburyong kaya hinostage ng isang 36-anyos na lalaki ang buntis na service crew ng Jollibee kung saan inagawan ng baril ang security guard sa naganap na insidente sa bisinidad ng Brgy. San Vicente, Biñan, Laguna kahapon ng umaga.
Naaresto naman ang hostage-taker na si Abbas Wadja, alyas Anthony Navarro ng Sitio Pantalan, Brgy. Malaban. Sugatan naman ang security guard na si Alberto Bautista ng Spartan Security Agency na ginagamot sa Perpetual Help Hospital dahil sa tama ng bala ng baril sa katawan.
Ayon kay P/Senior Supt. Manulito Labador, Laguna police director, pumasok ng Jollibee si Wadja bandang alas-6:30 ng umaga nang agawan ng baril si Bautista bago hinostage ang night shift service crew na si Maricar Flores, 22.
Sa pahayag ni P/Supt. Joel Pernito, Biñan police chief, unang hiniling ng suspek na makita ang asawang si Raj Wadja. Ilang saglit pa, hiniling naman ni Wadja bilang negosyador si Muntinlupa Councilor Ermie Espeleta at nangakong dito lamang ito susuko.
Sa pakikipagnegosasyon ng mga awtoridad, bandang alas-10:30 ng umaga nang sumuko si Wadja at pinakawalan naman si Flores na agad isinugod sa ospital dahil sa tinamong trauma. Narekober mula sa suspek ang isang baril na may dalawang bala, screw driver, bread knife, martilyo, at gas mask. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso
- Latest
- Trending