KIDAPAWAN CITY, Philippines – Umaabot sa labing-isang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na napaslang sa panibagong sagupaan laban sa tropa ng militar sa Sitio Pelobdan, Brgy. Upper Dado sa bayan ng Alamada, North Cotabato kamakalawa ng madaling-araw.
Base sa tagapagsalita ng 6th Infantry Division na si Lt. Col. Jonathan Ponce, nakasagupa ng 9th Scout Rangers Company ang tropa ng MILF na sinasabing miyembro ng National Guard Command. Subalit itinanggi naman ng pamunuan ng MILF ang ulat ng Phil. Army.
Napag-alamang napatay naman si Private First Class Bermejo habang tatlong iba pa ang sugatan sa enkwentro. Samantala, ayon sa isang mataas na opisyal ng MILF, karamihan sa mga nasawi sa bakbakan ay mga sibilyan na matagal nang naninirahan sa nabanggit na barangay at pilit na itinataboy ng mga sundalo. (Malu Manar)