MANILA, Philippines - Umaabot sa labimpito-katao kabilang ang labing-isang rebeldeng New People’s Army ang iniulat na nasawi sa panibagong sagupaan sa pagitan ng mga kawal ng Cafgu Active Auxilliary sa liblib na bahagi ng Malaybalay City, Bukidnon kahapon ng tanghali.
Ayon kay Army’s 4th Infantry Division spokesman Major Michelle Anayron, nakasagupa ng tropa ng militiamen ang grupo ng mga rebelde sa bisinidad ng Brgy. Zamboanguita, Malaybalay City.
Nabatid na dalawang trak na sinasakyan ng mga rebeldeng NPA ang umatake at nang-harass sa Zamboanguita Patrol Base ng CAA’s.
Subalit kaagad naman nagdepensa ang mga Cafgu kung saan tumagal ng 30-minutong giyera.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, umaabot sa tatlong Cafgu ang napaslang habang labing-isa naman sa panig ng mga rebelde at dalawang sibilyan na naipit sa bakbakan habang tatlo pa sa panig ng CAA’s ang nasugatan.
Sinabi ni Anayron, na reresbak sana ang grupo ng mga rebelde matapos makubkob ng militar ang dalawang kampo na pagdarausan sana ng ika-40 taong pagkakatatag ng NPA noong Marso 29, tatlong araw bago ang okasyon sa operasyon sa Gingoog City.
Taliwas sa inaasahan ng mga rebelde ay nakahanda ang mga bantay na Cafgu sa pag-atake. (Joy Cantos)