P2 milyon nalimas sa mall ni Governor Lazaro
STA. CRUZ, Laguna , Philippines – Umaabot sa P2-milyong halaga ng ari-arian ang nalimas matapos looban ng mga armadong kalalakihan ang shopping mall na pag-aari ng pamilya ni Laguna Governor Teresita “Ningning” Lazaro kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Senior Supt. Manulito Labador, Laguna police director, mga nakasuot ng type blue T-shirt ng pulis, camouflage pants at armado ng malalakas na kalibre ng baril nang pasukin ang Sun Star Mall sa Barangay Gatid bandang ala-1:30 ng madaling-araw.
Sa panayam kay P/Senior Insp. Marito Jimenez, Sta. Cruz deputy police chief, nakapasok ang mga suspek sa reception area ng mga security guards sa gilid ng mall.
“Sumaludo pa nga ang mga security guard kasi akala nila mga pulis nga at nagsabi pang mag-iinspection lang daw sila,” ani Jimenez.
Mabilis na nadisarmahan ang mga sekyu na sina Alfredo Mababa, John Regalado, Hector Cambel, Edwin Satera at si Ding Bueser ng Yamaso Security Agency at Megaways Security Agency.
Nang makapasok, nilimas ang 12 caliber 38 revolver, isang 9mm pistol at isang shot gun mula sa mga sekyu habang sila ay nakadapa.
Nilooban din ang ilang cell phone stores, Waltermart Store, administration office ng mall, jewelry shop at isang money changer shop.
Matapos ang pagnanakaw, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang kotse, isang gray at isang itim na pawang hindi nakuha ang mga plate number.
Agad namang bumuo ng Task Force Sun Star ang pulisya sa pamumuno ni P/Supt. Marvin Saro. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending