MANILA, Philippines - Umaabot sa dalawampu’t tatlo-katao kabilang na ang walong sundalo ng Phil Army ang iniulat na napatay sa madugong sagupaan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at tropa ng Phil. Army sa kagubatang sakop ng Barangay Bialong sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao, ayon sa ulat kahapon.
Sa phone interview, sinabi ni 6th Infantry Division spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, na sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng 601st Infantry Brigade (IB) at grupo ni MILF Commander Ameril Umbra Kato sa bisinidad ng Sitio Maningay, sa nabanggit na barangay.
Sa isinagawang clearing operations matapos ang walong oras na bakbakan ay narekober sa lugar ang mga katawan ng MILF renegades na nagkalasug-lasog.
“Karamihan dun sa mga namatay na tauhan ni Commander Kato, tinamaan ng artillery fire kaya nagkagutay-gutay ang katawan,” ani Ponce.
Aabot naman sa 300 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan.
Walo namang kawal ang nalagas sa tropa ng militar na tumanggi munang tukuyin ni Ponce ang mga pangalan habang lima ang naitalang sugatan sa mga sundalo.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations laban sa grupo ni Commander Kato na target lipulin. Joy Cantos