CEBU, Philippines – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa labintatlong sibilyan habang apat iba pa ang nasugatan sa naganap na trahedya kung saan nagsalpukan ang mini bus at 10-wheeler flatbed truck na may lulang 20-footer container van sa highway ng Barangay Tuyan, Naga City, Cebu, kahapon ng madaling-araw.
Batay sa report ni P/Chief Supt. Federico Terte, bandang alas-5 ng umaga nang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa bisinidad ng highway ng Barangay Tuyan sa Naga City sa tapat lamang ng South General Hospital.
Kinilala ng pulisya, ang driver ng EDC Liner mini-bus (GWL225) na si Aladin Laoit, 34, ng Barangay Villadolid, Carcar City, habang patay din ang driver ng Alvine Transport container van (GWH 298) na si Hever Alibio, 30, ng Barangay Pooc, Talisay City.
Kabilang sa mga biktimang nagkalasug-lasog ay sina Nestor Omilgo 36, kapatid ng konduktor na si Allan Omilgo, Rodrigo Laña Jr. 39, assistant chief cook ng Sulpicio Lines; Warren Allesser, 29, ng Bolinawan, Carcar; Virgilla Lobiano, Nora Pacubas, 37; at anak nitong si Charlene Pacubas, 10; Chonie Cavan, 30, ng Brgy Guadalupe, Cebu City at si Clire Jasma.
Patuloy pang kinikilala ng pulisya ang dalawa na nasa morgue ng South General Hospital.
Apat lamang sa mga pasahero ni Laoit ang ginagamot sa South General Hospital na sina Annabel Alforque, Maria Fe Rodella, Alexander Autida at si Jennifer Gregorio.
Ayon kay P03 Romeo Bolaño ng Naga City police, galing pa ng Carcar City ang minibus at patungong Cebu City nang mag-overtake sa isa pang minibus subalit ‘di napansin ang kasalubong na truck.
Dahil sa lakas ng pagbangga ay nalasog ang minibus mula sa harapan hanggang sa kalahati ng katawan nito habang wasak din ang nakabanggang trak.
Inako naman ng may-ari ng EDC Liner Minibus na si Eladio Colajo ang mga bayarin sa hospital sa tulong na rin ng mga opisyal ng Naga City at Cebu Provincial Government maging ang pagpalibing sa mga biktima. Dagdag ulat ni Joy Cantos