MANILA, Philippines - Namatay ang 43-anyos na pulis na si SPO1 George Yap nang aksidenteng mabaril niya ang kanyang sarili sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Bagong Buhay, Ormoc City, Leyte kamakalawa.
Nabatid na pumasok lamang sa kanyang kuwarto ang biktima upang kunin ang kanyang baril na kanyang nilagyan ng bala.
Subalit nang ibabalik na ito sa kanyang lalagyan ay bigla na lamang nakalabit ang gatilyo ng nasabing armas.
Isang malakas na putok ang umalingawngaw na ang bala ay sumapol sa kaliwang mata ng biktima na naglagos sa kaniyang ulo.
Isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival. (Joy Cantos)