MANILA, Philippines - Nagwakas ang 12-taong pagtatago ng isang notoryus na kidnaper ng trader sa Parañaque City, matapos masakote ng mga awtoridad sa follow-up operations sa bahagi ng Brgy. Salvacion sa bayan ng San Agustin, Surigao del Sur, kamakalawa.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang suspek na miyembro ng Pepino KFR gang at may patong sa ulo na P.175 milyon ay nakilalang si Nestor “Boy” Lanyujan, 48.
Ayon sa hepe ng Police Anti Crime and Emergency Response (PACER) na si P/Senior Supt. Leonardo Espina, ang suspek ay kabilang sa mga dumukot sa negosyanteng si Edward Tan, may-ari ng Kilton Motors Inc. sa Parañaque City noong Hunyo 28, 1997.
Patuloy naman ang pagtugis sa iba pang suspek na sina George Corvera, Luisito “Tata” Adulfo, Jessie “Gingging” Pepino, Nerio Almeda at isang alyas Wilan Tan.
Nauna nang bumagsak sa kamay ng batas sina Adulfo at Pepino, lider ng grupo sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad. Joy Cantos