Pabahay sa mga kawani ng pamahalaan
OLONGAPO CITY , Philippines – Mabebenipisyuhan ng pabahay ang mga kawani ng lokal na pamahalaan partikular na ang mga guro, bumbero at pulis-Gapo makaraang lagdaan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang low-cost mass housing project na itatayo sa Barangay New Cabalan, Olongapo City.
Ayon kay Olongapo City Mayor James Gordon Jr., ang naturang proyekto na kikilalanin bilang Fiesta Communities-Olongapo, ay ang sinasabing kauna-unahan sa kasaysayan ng Olongapo magmula nang maideklara itong highly urbanized city.
Napag-alamang aabot sa tatlong taon bago maipatayo ang pabahay na gagawin ng Hausland Development Corp. mabibiyayaan ang mga pamilyang may low-and average income sa mga bayan ng Porac, Mabalacat, Pampanga.
Nabatid sa ulat ng Hausland Developer na pinamumuan ni Wilfredo Tan, pangulo at ceo, ang project ay nakapuwesto sa 3.6-ektaryang lupain na pagtatayuan ng 337 housing units kasama na ang mga community facilities tulad ng multi-purpose hall.
Ayon pa kay Tan, ang monthly payment para sa pabahay ay P3,659 per unit na maaaring bayaran sa loob ng 30-taon at sa abot-kayang interest na 7 percent per annum. (Alex Galang)
- Latest
- Trending