MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng isang negosyante matapos nitong tangkaing suhulan ang mga opera tiba ng pulisya sa isinagawang raid sa bodega na pinag-imbakan ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa Lucena City, Quezon kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang nasakoteng negosyante na si Antonio Lubi, 48, na may-ari ng bodega na sinalakay ng pinagsanib na elemento ng PNP at Presidential Anti-Smuggling Task Force sa pamumuno ni Chief Inspector Jesus Kabigting sa Quedlar St., Brgy. 9.
Isinagawa ang raid, matapos makatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad hinggil sa illegal na delivery ng bigas ng NFA sa bodega na pag-aari ni Lubi.
Natagpuan ng raiding team ang 200 sako ng NFA rice at 100 sako ng imported na pinalitan lamang ang label na powdered milk.
Ayon kay Palad, tinangka ni Lubi na suhulan ang grupo ni PO1 Melanio Manila ng P5,000 subali’t hindi nasilaw sa pera ang mga awtoridad kung saan agad nila itong pinosasan at inaresto.
Nahaharap ngayon sa kasong corruption of public official, rice hoarding at violations of the Consumer’s Act of the Philippines and NFA Memorandum Circular ang naturang negosyante. Joy Cantos