Ex-Cafgu inutas, 1 pa binalatan ng buhay
MANILA, Philippines - Isang dating miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang iniulat na pinaslang matapos na pagbabarilin ng grupo ni New People’s Army (NPA) Commander Leoncio Pitao alyas Commander Parago habang isa pa ang dinukot at binalatan ng buhay sa bisinidad ng Davao del Norte, noong Biyernes.
Sa phone interview, kinumpirma ng regional Army spokesman na si Major Randolph Cabangbang, na ang isa sa mga napatay ay si Alwas Gamul Abellanosa, 39, na binaril sa Brgy. Tibulao sa bayan ng Carmen, Davao del Norte.
Una nang nagbanta si Commander Parago na sisingilin ng dugo ang mga tumutulong sa gobyerno lalo na ang apat na sundalong pinararatangan nitong nasa likod ng pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa kaniyang anak na si Rebelyn Pitao sa Davao City noong Marso 4.
Gayon pa man, ayon kay Cabangbang ay kinukumpirma pa nila ang ulat na ang isa pang biktima na isang informer ng militar ang dinukot sa Paquibato District, Davao City at sinasabing binalatan ng buhay hanggang sa mamatay sa tindi ng tortute ng grupo ni Parago.
Magugunita na ang bangkay ni Rebelyn na may tama ng saksak sa dibdib ay natagpuang sa irrigation canal sa Carmen, Davao del Norte, isang araw matapos na ito ay dukutin.
Samantala, apat na intelligence operatives ng militar na tinukoy ni Parago na sina Sgt. Henry Bitang, Corporal Orly Pedregoza, Sergeants Adan Sulao at Ben Tipait na kapwa miyembro ng Region XI Military Intelligence Group (MIG) subali’t itinanggi naman ng mga opisyal na may tauhan silang nagngangalang Sulao habang isinailalim sa restricted custody sina Bitang, Pedregoza at si Tipait na kasalukuyan naman nasa schooling ng maganap ang krimen. Joy Cantos
- Latest
- Trending