MANILA, Philippines - Nangako si Moro Islamic Liberation Front Spokesman Eid Kabalu na tutulong ang kanilang grupo sa pagliligtas sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross na dinukot at tatlong buwan nang bihag ng bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Binalaan din ni Kabalu ang Abu Sayyaf na huwag sasaktan ang mga bihag na sina Swiss national Andreas Notter, Eugenio Vagni, Italian; at ang inhinyerang Pilipinang si Marie Jean Lacaba.
Sinabi ni Kabalu na, kung makakakuha ng pagkakataon, titiyakin nilang ligtas na makukuha ang mga biktima mula sa kamay ng mga kidnapper.
Kasabay nito, pinagdudahan naman ni Kabalu ang abilidad ni Moro National Liberation Front Chairman Nur Misuari sa pakikipagnegosasyon sa Abu Sayyaf para mapalaya ang mga bihag.
Inihayag din ni Kabalu na apektado ang MILF sa hostage crisis sa Sulu at noon pa man ay minomonitor na nila ang mga kaganapan sa insidenteng ito.
Ayon naman sa Armed forces of the Philippines, mas mabuti na may pagkakaisa sa krisis na ito upang agad na mailigtas ang mga biktima.
“Lahat ng mga parties, lahat ng mga individuals who would like to help in resolving this crisis on the ICRC kidnapping should coordinate with the duly organized Task Force ICRC,” ani AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. (Joy Cantos)