MANILA, Philippines - Bunsod umano ng pagkawala sa sarili, nagpakamatay ang isang opisyal ng pulisya makaraang aksidenteng nabaril nito ang kanyang misis sa Davao City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktimang si Melani Sandag Mabalot, 32, ay dead-on-the spot nang aksidenteng mabaril ng kanyang mister na si Police Inspector Edwin Mabalot, 37, habang pinipigilan ng una ang huli sa pagpapakamatay nito.
Inuumang ng pulis ang baril sa kanyang lalamunan nang tangkain siyang pigilan ng kanyang asawa pero pumutok ang baril hanggang matamaan ang babae.
Naganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa sa Blk 9, Wellspring Highlands, Catalunan Pequeno, Davao City dakong alas-3:50 ng madaling-araw.
Isa sa mga anak ng mag-asawa na si Christine Angel, 10 taong gulang, ang unang nakakita sa duguang bangkay ng kanyang ina bago niya namataan ang kanyang ama na itinutok ang baril sa bibig nito bago iyon pinaputok.
Ilang linggo na umanong nakikitang tulala si P/Insp. Mabalot kaya binalak ng disarmahan ito ni Davao City Police Chief Sr. Supt. Ramon Apolinario pero huli na ang lahat.
Ayon pa sa pulisya, posibleng inawat ni Melani ang kanyang asawa ngunit aksidenteng nakalabit nito ang baril at tinamaan ang una sa leeg.