BATANGAS, Philippines – Tatlong kababaihan na pinaniniwalaang nakipaglibing sa namayapa nilang kamag-anak ang kasalukuyang pinaglalamayan matapos makalawit ni kamatayan sa naganap na salpukan ng jeepney at cargo truck na ikinasugat ng dalawampu’t dalawang iba pa sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Cherry Ann Salazar, 17, ng Tuy, Batangas; Lynda Santos, 50; at si Delia Sombreo, 58, kapwa naninirahan sa bayan ng Lian, Batangas.
Samantala, ang mga sugatang biktima kabilang na ang pito na nasa kritikal na kondisyon ay naisugod sa Apacible Hospital, Madonna Hospital at iba pang ospital sa nasabing lalawigan.
Ayon sa imbestigador na si PO3 Jose Bruno, nakipaglibing ang mga biktimang lulan ng passenger jeepney (DXA-300) na minamaneho ni Jaypee Gatdula nang salpukin ng cargo truck (CTW 611) na nag-oovertake sa highway sa Barangay Bilaran bandang alas-5 ng hapon.
Kaagad namang tumakas ang drayber ng truck na si Roderick Canbalisa, 30, subalit sumuko rin matapos ang ilang oras.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries si Canbalisa na kasalukuyang nakakulong sa Nasugbu PNP detention cell. (Arnell Ozaeta)