MANILA, Philippines - Takdang isampa ngayon ng Task Force 211 na pinamumunuan ni Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor ang kasong frustrated murder laban sa mga suspek sa tangkang pagpatay sa brodkaster na si Nilo Labares na nakabase sa Cagayan de Oro.
Sinabi ni Blancaflor na isasampa nila ang kaso kasunod ng paglutang ng apat na testigo na positibong kinilala ang mga suspek na sina Felizar “Boyet” Caytor at Bernardo Aguilar na residente rin ng naturang lungsod.
Kaugnay nito, pinapurihan ni National Press Club President Benny Antiporda si Blancaflor dahil sa mabilisang pagkilos para sa agarang ikalulutas ng tangkang pagpatay kay Labares.
Matatandaan na si Labares, 48, head reporter ng dxCC-Radio Mindanao Network at kilala sa tawag na “Babayeng Bagol” sa kanyang radio program, ay pinagbabaril ng dalawang kalalakihang nakamotorsiklo noong Huwebes habang pauwi sa kanilang bahay sa Buena Oro.
Ayon sa mga saksi, si Caytor ang nagmaneho ng motorsiklo habang si Aguilar ang bumaril sa biktima.
Nananatili namang nasa kritikal na kondisyon sa Maria Reyna Hospital ang biktima na kinakitaan na ng senyales ng paggaling kahit inalis na ang isa niyang kidney o bato makaraang tamaan ng bala ng baril.
Bago ang pananambang, walang takot na binabatikos ni Labares ang mga iligal na sugal sa kanilang lugar lalo na ang video karera.
Patuloy namang inaalam ng task force ang utak sa naturang pag-atake.