Pinatay na anak ng NPA chief, ginahasa muna
MANILA, Philippines - Positibong hinalay muna bago pinaslang ang dinukot na gurong anak ng isang kumander ng New People’s Army na natagpuang bang kay noong Huwebes ng gabi sa isang irrigation canal sa Barangay San Isidro, Carmen, Davao del Sur.
Ito ang lumabas sa autopsy report kahapon sa bangkay ng biktimang si Rebelyn Pitao, (di Robelyn tulad ng unang napaulat), 21 anyos, guro sa St. Peter School at anak na dalaga ni NPA Commander Leoncio Pitao alyas Commander Parago.
Si Rebelyn ay dinukot matapos harangin ng dalawang armadong suspek ang sinasakyan niyang tricycle dakong alas-7:30 ng gabi nitong nakaraang Miyerkules.
Ang halos hubad na nitong katawan na may tama ng mga saksak sa dibdib at tabingi na ang napunit na underwear ay natagpuang inabandona ng mga suspek sa irrigation canal.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy ang umano’y dalawang lalaki na siyang puwersahan nagpasakay sa biktima sa isang puting van.
Kaugnay nito, umalma naman si Army’s 10th Infantry Division Commander Major Gen. Reynaldo Mapagu sa mga espekulasyon na mga sundalo ang nasa likod ng malagim na krimen.
Tiniyak ni Mapagu na tutulong ang militar para madakip ang mga suspek. “Makakabuti sa lahat na malaman ang totoo at matuntun ang mga salarin para malinis ang pangalan ng aming organisasyon sa anumang akusasyon ng ilang tao na nagbibintang nang walang basihan o katibayan,” sabi pa niya patungkol sa akusasyon ng militanteng sektor na mga sundalo ang may kagagawan ng krimen. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending