Nene todas sa sunog
MANILA, Philippines - Isang tatlong taong gulang na batang babae ang nasawi matapos na matusta nang buhay sa loob ng nasunog nilang tahanan sanhi ng umano’y gasera na iniwang nakasindi ng kanyang mga magulang para makipag-inuman habang ang biktima ay natutulog sa Tanay Rizal, iniulat kahapon.
Kinilala ni P/ Supt. Reynaldo Mendoza, hepe ng Tanay Police station, ang nasawi na si Kaylle Bergonia, nakatira sa Sitio Rawang St, Barangay Plaza, Aldea, ng nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Tanay Police station, naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi nang iwan ng kanyang mga magulang ang bata habang natutulog sa loob ng kanilang bahay gamit ang ilaw na gasera.
Sinasabing habang natutulog ang biktima, ang mga magulang naman umano nito ay masayang nakikipag-inuman sa kanilang kapitbahay ilang hakbang ang layo sa kanilang bahay.
Mula dito, bigla na lamang umanong umapoy ang tinutuluyan ng biktima na pinaghihinalaang sanhi ng gaserang natumba at tuluyang lamunin ng apoy ito. Dahil ma himbing na natutulog ang bata, hindi nito batid ang pang yayari hanggang sa madamay na rin ito sa naglalagablab na apoy at masunog.
Huli na sa mga magulang ng bata ang magsisi dahil na abutan na lamang nilang sunog ang katawan ng kanilang anak matapos maapula ito ganap na alas 11:30 ng gabi.
- Latest
- Trending