3 dinakma sa P.3 milyong troso

ILAGAN, Isabela, Philippines – Tatlo-katao na sinasabing alipores ng prominenteng politiko ang naaresto ng mga awtoridad matapos makumpiskahan ng P.3 milyong troso na tangkang ipuslit sa bayan ng Ilagan, Isabela may ilang araw na ang nakalipas. Aabot sa 10,000 board feet na troso ang nabawi mula sa mga bugadores (lumber hauler) ng mga tauhan ng Anti-illegal Logging Task Force sa Cagayan River sa Ba­rangay Cabisera 8 ng na­banggit na bayan.

Pansamantalang mu­nang ‘di-isiniwalat ang pag­kikilanlan habang bine­beripika pa ang mga politi­kong kasabwat sa illegal logging.Sa kasalukuyan, ay umaabot na sa 700,000 board feet na troso ang nakumpiska at nasa pa­ngangalaga ngayon ng Isabela provincial government. Victor Martin

4 MILF dedo sa encounter

MANILA, Philippines -  Karit ni kamatayan ang sumalubong sa apat na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa panibagong sagupaang na­ganap laban sa tropa ng militar sa North Kabuntalan, Maguin­danao, ayon sa ulat kahapon. Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division Spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, ang mga na­paslang na MILF ay mga tauhan ni Commander Ameril Um­bra Kato na may patong sa ulong P10 milyon dahil sa pa­na­nakop sa 15 barangay sa 7 bayan sa North Cotabato. Nare­kober sa pinangyarihan ng engkuwento ang dalawang Icom radios, communication antenna at iba pang mga dokumento. Nagpapatuloy naman ang manhunt operations laban sa iba pang MILF commander na sina Abdulrahman Macapaar al­yas Commander Bravo, (P10 M) at Aleem Sulayman Ma­capaar, (P5 M) kaugnay naman ng pag-atake sa Lanao del Norte noong Agosto 2008. Joy Cantos

Hapones nag-suicide

CAVITE, Philippines – May posibilidad na problemang pampinansiyal ang isa sa motibo kaya nagbaril sa sarili ang isang 42-anyos na Hapones sa loob ng kaniyang inuupahang bahay sa Barangay Panapaan sa bayan ng Bacoor, Cavite kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Mario Reyes, hepe ng Bacoor PNP, ang biktima na si Yasuo Horita ng Bulak Street sa Meadowood Subdivision, ng nabanggit na barangay. Ayon sa police report, bandang alas-10 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Horita na may tama ng bala ng baril sa ulo ng kanyang kasama sa bahay na si Susan Palma. Sa nakalap na impormasyon ng PSNgayon, may sampung taon nang naninirahan sa bansa ang Hapones at umaasa lang sa pa­dalang pera ng kanyang mga magulang mula sa Japan. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung may foul play sa insidente. Arnell Ozaeta

Dalaga natusta sa sunog

BULACAN, Philippines — Isang 50-anyos na matandang dalaga ang ini­ulat na nasawi matapos na makulong sa kanilang bahay na nasunog kamakalawa sa Barangay Biñang 1st sa bayan ng Bocaue, Bulacan. Kinilala ang biktima na si Paz Ticar na naabo ang katawan noong Martes subalit kahapon lamang nadiskubre ng mga awtoridad. Ang biktima ay matandang dalaga at nakatira sa Brgy. Biñang 1st bayang ito. Sa ulat ni Fire Inspector Roderick Marquez, posibleng nakasinding kalan ang pinagmulan ng apoy dahil sa naiwan ng matanda ang pinakukuluang tubig at nakatulog ito sa loob ng kanyang silid. Umaabot naman sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo. Dino Balabo

Show comments