MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang may kinalaman ang militar sa pagkawala ng isang anak ng kumander ang mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa makaraang kidnapin ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Sitio Bago Aplaya sa Barangay Talomo, Davao City.
Kinilala ni P/Senior Supt. Ramon Apolinario, ang biktimang kapapasa pa lamang sa National Teacher’s Board Examination ay si Rebelyn Pitao, 21, guro sa St. Peter’s School sa Toril District at anak ni Leoncio Pitao, kilala sa alyas Commander Parago.
Si Parago ay lider ng Pulang Bagani Command ng New People’s Army na may operasyon sa mga liblib na bahagi ng Davao City.
Base sa police report, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente kung saan lulan ng traysikel ang biktima nang harangin ng mga armadong lalaki at sapilitang isinakay sa kulay puting van na may plakang LPG 588.
Kaagad naman kumilos ang mga tauhan ni Army Major Gen. Reynaldo Mapagu, hepe ng 10th Infantry Division sa Camp Panacan, para tugisin ang mga kidnaper.
Malaki ang paniniwala ng ina ng biktima na mga security forces ng pamahalaan ang nasa likod ng pagdukot upang mapasuko ang NPA commander.
Samantala, inakusahan naman ni Bayan Muna Southern Mindanao chair at ex-Rep. Joel Virador, na ang militar ang pangunahing suspek sa pagdukot sa biktima, subalit kinontra naman ni dating AFP 5th Civilian Relations group chief Major Medel Aguilar, ang akusasyon ni Virador at sinabing propaganda lamang ng mga militanteng grupo ang nasabing isyu.
Magugunita na si Commander Parago ay sinasabing nasa likod ng pagdukot kay ret. Brig. Gen. Victor Obillo at aide nitong si Captain Eduardo Montealto sa Sitio Kalatong, Baguio District sa Davao City noong 1998.
Nabatid din na ang grupo ni Parago ay sinasabing nasa likod din ng serye ng karahasan sa Davao. Joy Cantos at Edith Regalado